Patay
Tungkol sa patay talaga itong kwento ko. Kasi nabalitaan namin nung isang araw na namatay daw ang isang kamag-anak namin dito sa Alemanya.
At pano naman namin nabalitaan? Nabasa nung aking papa in law sa diyaryo na nabasa din ni kengkoy.
So ang unang tanong ko, bakit ngayon ko lang narinig ang pangalan na yan? At mga sumunod na mga tanong pa — At bakit hindi man lang natin dinalaw man lang? At bakit hindi ko man lang nakilala? At pano naging kamag-anak yan? At anong relasyon natin sa kanya? At bakit ngayon lang ulit dadalaw kung kailan patay na? At bakit hindi man lang kami pupunta para makipag-libing?
Pero sa loob-loob ko, bakit kaya sila ganito? Kamag-anak hindi man lang dinadalaw, kahit na nga may sakit na pala. At eto pa, talagang sa diyaryo lang nila nalaman na patay na. At libing na lang ang pupuntahan nila, minsan nga hindi pa. Magpapadala na lang ng condolence cards. Kakalungkot yata yon.
Imagine, 2001 ako dumating dito pero ngayon ko lang nalaman na may kamag-anak pala na nakatira na malapit lang dito? As in dina-daan-daanan ko lang yung bahay nung namatay! At ang masaklap, hindi man lang nila ma explain kung pano nilang naging kamag-anak yung namatay. Gusto kong sakalin si kengkoy pero kasi ganon ang kultura nila e. Kapag hindi immediate family, meaning yung direct line of descendants lang — nanay, tatay, anak at singit na yung mga in laws kasi papasok na ang mga pamangkin at apo — hindi na kasali sa listahan sa pasko at kahit nga sa bertdeyan o kung ano mang importanteng okasyon yan.
Ay ewan ko ba. Napaka-impersonal ng dating. Masyadong cold.
Mas gusto ko pa rin sa Pinas na kahit na nga hindi talaga kamag-anak e tita, tito, kuya, ate, lolo at lola - e kahit nga hindi mo kapatid nanay at tatay pa rin ang tawag sa mga magulang mo di ba? Iba talaga ang kultura nating mga Pinoy. Extended family. Mas masaya, sa lungkot man o sa ginhawa.
Sa mga ganitong panahon gustong gusto kong maamoy ang simoy ng Pinas!!!












